MANILA, Philippines - Isang mister ang binaril at napatay habang natutulog katabi mismo ng kanyang misis sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Si Edilberto Pasamba, taxi driver, ng #36 Silangan St., Kaingin Bukid, Brgy. Apolonio Samson ay tuluyan nang hindi nakabangon sa higaan, habang nasa tabi ng kanyang natulalang misis na si Zoraida, 52, matapos paputukan sa ulo.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumitaw na ang suspect ay nakilala sa pangalang Efren Sultan, alyas “Berdugo.”
Ayon sa ulat, nangyari ang pamamaril sa loob mismo ng bahay ng biktima habang mahimbing na natutulog ang biktima katabi ang asawa ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Ayon kay Aling Zoraida, dahil sa alingawngaw ng dalawang putok ng baril, ay nagising siya hanggang sa makita niyang umaagos na ang dugo sa ulo ng asawa at wala na itong buhay.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang nasabing suspect. Hindi pa mabatid kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang dito.