MANILA, Philippines - Tiniyak ng National Capital Regional Police Officer na nakahanda na ang may 15,000 pulis sa darating na eleksiyon sa Mayo 10.
Ang paniniyak ay ginawa ni Supt. Rommel Miranda, tagapagsalita ng NCRPO, na nagsabi pang ngayon pa lamang ay nasa “full alert” na sila.
Sinabi pa niya na kikilos lamang siya nang ayon sa sitwasyon at para sa proteksiyon ng mga boto ng mamamayang Pilipino kaya lahat ng kanilang tauhan ay naka-duty pagsapit ng eleksiyon.
Gayunman, sinabi ni Miranda na wala silang lugar sa Metro Manila na ikinukonsiderang nasa “hot spot” ngayong nalalapit na halalan.
Kaugnay nito, sinabi ni Miranda na 10 pulis lamang sa NCRPO ang lumahok sa absentee voting.
Marami umano sa mga pulis ng NCRPO ang gustong bumoto na lamang sa araw ng halalan dahil mas makakaboto sila ng maraming kandidato. Limitado lamang ang maihahalal na kandidato sa absentee voting.