MANILA, Philippines - Naniniwala ang National Bureau of Investigation (NBI) na malulutas na ang kaso ng payroll robbery na nagkakahalaga ng P4.9 milyong cash ng Department of Education (DepEd) makaraang mahukay nila ang katawan ng dalawa sa hinihinalang suspek at maaresto ang tatlo sa kasamahan nila sa isinagawang operasyon sa Marikina at Rizal.
Ayon kay Deputy Director for Intelligence Service (DDIS) Executive Officer Atty. Ross Bautista, na ang “breakthrough” sa kaso ay makaraang lumutang ang isang saksi hinggil sa umano’y pagdukot kay Allan Bilbao, isa sa umano’y suspek sa panghoholdap, na huling nakita noong Abril 20.
Ang katawan ni Bilbao ang hinihinalang isa sa dalawang katao na nahukay kahapon ng madaling-araw sa Monterey Subd., sa San Mateo Rizal malapit sa boundary ng Marikina at Antipolo.
Bukod kay Bilbao, kinilala ang isa pang bangkay na nahukay sa Tumana River na isang alyas “Eric” na nagtamo din ng tama ng saksak at bala sa katawan tulad ni Bilbao.
Ayon kay Bautista, ang dalawang natagpuang bangkay ang hinihinalang mga suspek sa robbery payroll ng DepEd noong Disyembre 28, 2009 sa Marikina City kung saan tinatayang P4.9 milyong cash na bonus pay para sa mga guro ang natangay.
Matatandaan na patungo ang van ng DepEd sa Montalban Rizal ng mga teacher upang maghatid ng payroll money nang harangin sila ng dalawang naka-motorsiklo.
Pinaputukan ng mga suspek ang sakay ng van at nagpakilalang mga police ng Antipolo saka tinangay ang cash.
Pinag-aaralan pa ng NBI ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga naarestong suspek at hinuhukay na rin ang nasa likod ng sindikato.