MANILA, Philippines - Tinatayang mahigit 50,000 raliyista ang babantayan ng Manila Police District sa Liwasang Bonifacio at Mendiola sa Maynila sa nalalapit na paggunita sa Araw ng Paggawa sa Mayo 1.
Sa ginanap na pakikipagpulong ng iba’t ibang lider ng militanteng grupo sa pangunguna ni Partido ng Manggagawa Chairman Joel Maglunsod at Lito Estares,Vice Chairman ng Kilusang Mayo Uno, kay Manila Chief of Staff Ric de Guzman at opisyal ng MPD sa pamumuno ni Chief Supt. Rodolfo Magtibay, matapos nilang humingi ng permit to rally, alas-7:00 pa lamang ng umaga ay magsasagawa na ng pagkilos ang mga militanteng manggagawa sa lungsod.
Ayon kay de Guzman, umaasa silang magiging mapayapa ang isasagawang pagkilos ng KMU, PM, Anakpawis, Gabriela, Anak-Makabayan-Maynila, at Bagong Alyansang Makabayan.
Sinabihan naman ni Magtibay ang mga grupo na obserbahan ang daloy ng trapiko, huwag okupahin ang buong kalsada at magbigay-daan sa mga motorista.