MANILA, Philippines - Lima katao na kinabibilangan ng tatlong menor-de- edad ang nadakip sa kasong pag-iingat at paggamit ng ilegal na droga sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Sinampahan na sa Manila Prosecutor’s Office ng mga kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Law) ang mga naarestong sina Charity Giron, 34; at Rowell Sarmiento, 34, kapwa residente ng J. Fajardo St., Sampaloc, at ang mga menor-de-edad na itinago sa mga pangalang Jesus, 17; Alfredo, 17; at Gian, 17.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1 ng madaling-araw nang respondehan nila ang tawag sa Simoun corner Kundiman sts. dahil sa ulat na kaguluhan kung saan unang nadakip ang mga menor-de-edad na naispatan na nagwawala at nagmumurahan sa naturang lugar.
Kinapkapan kung may dalang deadly weapons ang mga ito subalit ang nakuha sa mga kabataan ay walong sachet ng marijuana. Dakong alas-3 naman nang may muling tu mawag sa kanilang tanggapan hinggil sa pot session umano sa J. Fajardo st., sa Sampaloc at naaktuhan ang ‘ratratan’ (pot session) kung saan dito nadakip sina Giron at Sarmiento na nakumpiskahan din ng apat na sachet ng shabu at dalawang aluminum foil strips at iba pang parapernalias.