MANILA, Philippines - Umaabot sa halos 75, 000 trabaho ang naipagkaloob ng Quezon City government sa mga residente ng lungsod sa nagdaang siyam na taon.
Ito ang datos na iniulat ng QC Public Employment Service Office (PESO) kay QC Mayor Feliciano ‘SB’ Belmonte sa employment program ng lungsod na may ambag na tulong sa pag-ahon sa kahirapan ng maraming residente ng lungsod.
May kabuuang 74,028 ang napagkalooban ng trabaho sa lungsod mula noong 2001 sa pamamagitan ng mga isinasagawang mga job fair sa QC Hall at sa mga barangay.
Nakapagtala naman ng pagtataas sa employment rate noong 2009 kung saan umabot sa 14,000 ang nabigyan ng hanapbuhay lalo na sa pinakamalaking department store sa bansa, ang SM.
Nakatulong din sa paghatak ng numero sa employment rate ng lungsod ang pagiging ICT Capital ng QC lalo pa nang magbigay ang city government ng six-week free training course para sa call center operations.