77 katao nasawi sa dengue

MANILA, Philippines - Umabot sa 77 ang bilang ng mga taong nasawi   sa sakit sa loob lamang ng Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan na mas mataas kumpara sa nakalipas na taon, ayon sa ulat ng Disease Surveillance ng Department of Health.

Nakapagtala naman ng kabuuang 11,803 kaso ng dengue sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 27, 2010 na kung ikukumpara sa taong 2009 ay nasa 61 porsyentong mas mataas.

Nanguna sa nagtala ng pinakamataas na bilang ng namatay sa Dengue ang Central Visayas o Region 7 sa bilang na 14, sumunod ang Northern Mindanao o Region 10 na may 12 nasawi at 10 naman ang nasawi sa Caraga Region o Region 13 at 89 ang nasawi sa Mtero Manila o National Capital Region.

Sa Metro Manila naman, nanguna sa may pinakama­raming kasong apektado ng dengue fever ang Caloocan at Valenzuela.

Ipinaliwanag ni Dr. Eric Tayag ng National Epidemio­logy Center ng DOH na, kahit hindi tag-ulan na panahon ng pagkakaroon ng maraming tubig-ulan para pangitlogan ng lamok, dumarami ang Dengue mosquitoes ngayong sobrang init ng panahon dala ng El Niño phenomenon na katulad noong taong 1998 na nagkaroon din ng mataas na kaso ng Dengue kung saan idineklara ding may El Niño phenomenon.

Sa panahong mainit umano ay madalas na nag-iimbak ng tubig dahil sa kakulangan ng suplay nito kaya ang mga lamok ay nagingitlog sa mga imbakan ng tubig.

Show comments