MANILA, Philippines - Dalawang ginang ang nasawi habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan makaraang pagsasaksakin ng lasing na kapatid ng isa sa mga biktima, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Kapwa binawian ng buhay sa Villamor Airbase Hospital ang mga biktimang sina Belinda Pedroso, 41, dalaga; at Shiela Ablansar, 45, habang inoobserbahan naman sa V. Luna Medical Center ang ikatlong biktima na si Josephine Valdez, 54, pawang mga naninirahan sa Block 52, 10th-29th street, Brgy. Villamor, Pasay City.
Nagtangka namang magpakamatay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili ang suspek na si Joel Pedroso, kuya ni Belinda, ngunit agad na naawat ito ng mga rumespondeng barangay tanod. Isinugod naman ito sa Pasay City General Hospital.
Sa ulat ng Pasay police, umuwing lasing kamakalawa ng gabi ang suspek sa kanilang bahay at nag-umpisang magwala. Dito naman umalis ang tatlong biktima kung saan nagtungo sa bahay ni Ma. Luisa Cesante, barangay Ex-Officio, upang humingi ng tulong para papayapain si Pedroso.
Lingid naman sa tatlo, sinundan pala sila ng suspek na sumalakay at walang habas na nanaksak makaraang makitang nagsumbong ang mga ito sa opisyal ng barangay. Dito na naawat ng mga tanod ang suspek habang sinasaksak ang sarili.