MANILA, Philippines - Nanawagan sa pulisya ang pamilya ng isang doktor na brutal na pinatay noong nakaraang linggo ng taong kasalukuyan sa Caloocan City na mabigyan ng malalim na imbestigasyon para agad na makamit nila ang hustisya.
Sa panayam kahapon kay Kenneth, anak nang pinatay na si Dr. Yasmin J. Navarro , 55, ng Block 9, Lot 1, Phase III-D, Kaunlaran Village, malaki ang hinala nila na may kinalaman sa lupa at ang disbarment case na isinampa ng kanyang ina laban sa tatlong abogado ang dahilan nang pagpatay dito.
Ayon sa rekord, taong 2002 ay nagsampa ng kasong civil at criminal, 5 counts falsification of public documents ang biktimang si Dr. Navarro laban sa isang mag-ina na may kaugnayan sa awayan sa lupa sa A. Mabini St., ng nabanggit na siyudad kung saan ang nasabing kaso ay na-dismis sa Caloocan City Regional Trial Court, ngunit umapila ang biktima sa Court of Appeal at sa naging desisyon nito ay ibinalik ang kaso sa mababang hukuman.
Gayundin, nagsampa rin ang naturang biktima ng kasong disbarment sa Supreme Court noong 2006 laban naman sa 3 abogado at ang kaso ay nakabinbin pa sa hukuman.
Hindi akalain ng pamilya Navarro na sasapitin ng kanilang ina ng tahanan ang brutal na kamatayan matapos itong malapitang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek, na pawang pinaniniwalaang mga hired killer noong Abril 6, ng taong kasalukuyan sa kahabaan ng Tawilis st., ng naturang siyudad.
Ayon kay Kenneth nangangamba sila sa kanilang seguridad, dahil habang nakaburol ang kanilang ina sa Floresco Funeral Parlor ay may ilang kahina-hinalang mga lalaki ang umiikot sa nabanggit na bisinidad. Humingi sila ng tulong sa lokal na pulisya, subalit hindi pinakinggan ang kanilang hinaing, at sinabihan pa sila na pa-paranoid lamang sila dahil sa insidente kung kaya media na ang kanilang nilapitan.