MANILA, Philippines - Kung ayaw n’yo sa akin, ang iboto n’yo na lang si Sonny Razon! Ito umano, ayon sa mga barangay chairmen ang kapwa nasasambit nina re-electionist Mayor Alfredo Lim at dating alkalde Lito Atienza na kapwa kandidato sa pagka-Mayor ng Maynila.
Ito ngayon ang usap-usapan sa anim na distrito ng lungsod kung saan mas pinili umano ng dalawang kandidato na kung hindi sila iboboto ay iniendorso ang isa pang katunggali sa pagka-Mayor na si dating PNP chief Avelino “Kuya Sonny” Razon.
Maugong sa lungsod na iisa ang dahilan kung bakit iniindorso nina Lim at Atienza si Razon, ito’y dahil sa ayaw ng dalawa na manalo ang bawat isa sa kanila, dahil na rin sa kanilang personal na away.
“Everytime na nagpapatawag sila ng “caucus” iisa ang sinasabi nila sa mga tao. Imbes na ilatag ang mga plataporma nila na siyang makakatulong sa pamumuhay ng mga Manilenyo at makakabuti sa katayuan ng lungsod, nagsisiraan lang silang dalawa. Labasan ng kanya-kanyang mga baho at sa huli ay sasabihing, kung ayaw nyo sa akin o ayaw nyo akong iboto, ang iboto na lang ninyo ay si Kuya Sonny Razon,” magkakatulad na pahayag ng mga barangay chairmen sa lungsod.
Sina Lim at Atienza na kilala bilang mortal na magka-away partikular sa personal at mundo ng politika.
Matatandaang makailang ulit nang ibinalita sa mga pahayagan, telebisyon at radyo ang lantarang away sa publiko ng mga tauhan ng dalawang kampo (Lim, Atienza) na nauuwi sa sakitan, siraan ng gamit at demandahan dahil na rin sa isyu ng campaign poster.