MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang manager ng convenient store makaraang barilin ng nag-iisang holdaper kahapon ng umaga sa Quezon City.
Nakilala ang biktima na si Fatima Luciano, 21, dalaga, manager ng 7-11 convenient Store na matatagpuan sa Timog Avenue sa lungsod.
Ang suspect na sakay ng itim na motorsiklo ay mabilis na tumakas tangay ang Lacoste bag na naglalaman ng bentang P8,500, deposit slip at mga susi ng biktima.
Naganap ang insi dente sa harap ng naturang convenient store sa corner Timog Avenue at Samar St., Brgy. South Triangle ganap na alas-10 ng umaga.
Patungo sana ang biktima sa bangko para ideposito ang nasabing salapi na kinita ng tindahan nang biglang sumulpot ang suspect na armado ng hindi mabatid na kalibre ng baril at tinutukan ang biktima sabay deklara ng holdap subalit nanlaban ang biktima kaya pinaputukan ito ng suspect.