MANILA, Philippines - Hinamon ni Makati Vice Mayor at mayoral candidate Ernesto Mercado si Mayor Jejomar Binay na harapin nito ang problemang kinakaharap ngayon ng lungsod at maghain ng solusyon kaugnay sa kautusan ng BIR na pagkumpiska sa lahat ng ari-arian ng city hall dulot nang hindi pagre-remit ng buwis na kinukuha sa sahod ng mga empleyado.
Iginiit ni Mercado kay Binay na ang problema sa BIR ay hindi isang isyung pulitikal dahil ang maaapektuhan dito ay hindi lamang ang mga kawani ng lungsod kundi maging ang mga residente ng Makati.
Nilinaw pa ni Mercado na ang hinihingi ng BIR ay ang kinaltas na buwis mula sa sahod ng mga empleyado ng Makati City hall na kung saan ay awtomatikong ibinabawas na sa kanila ang hindi nai-remit sa nasabing ahensiya sa matagal na panahon.
Kaugnay rin nito, umaasa si Mercado na hindi ito makakaapekto sa apelang inihain nila laban sa ahensiya hinggil sa ginawa nitong assessment.
Tinukoy nito na ang utang na P1.27 bilyon sa ahensiya ay dahil sa kabiguang mai-remit ng city hall ng Makati mula sa withholding taxes sa compensation, value-added tax at withholding VAT mula 1999-2000 at 2000-2004.