MANILA, Philippines - Patay ang isang jeepney operator matapos na ratratin ng apat na armadong kalalakihan sa isang terminal sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Sampung tama ng bala sa katawan ang natamo ng biktimang si Nazario Reynaldo, 52, jeepney operator, at dating pangulo umano ng Pasang Masda na nakatira sa Rogna St., NIA Village, Brgy. Sauyo, Novaliches.
Ayon sa pulisya, tinitingnan nila ang anggulong alitan sa asosasyon ng jeepney ang motibo sa nasabing pamamaslang, dahil bago nangyari ang pamamaril ay nakakatanggap na umano ang biktima ng death threat simula ng magkaroon ng kaguluhan sa kanilang grupo.
Ayon sa ulat, nangyari ang pamamaril sa may NIA/NPC Mindanao Jeepney terminal, North Avenue, Project 6 sa lungsod ganap na alas-5:15 ng hapon.
Bago nito, nakatayo umano ang biktima habang hinihintay ang asawang si Charito nang basta na lamang sumulpot ang apat na kalalakihan na armado ng kalibre 45 baril at agad na pinagbabaril ang una.
Nang matiyak na patay na ito ay saka umalis ang mga suspect at kinumander ang isang tricycle na minamaneho ng isang Lordric Palisoc at nagpahatid sa Road 13, corner Alley 13, Brgy. Pag-asa kung saan nagsipagbabaan at tumakas. (Ricky Tulipat)