Chinese utas sa gulpi

MANILA, Philippines - Malalimang iniimbes­tigahan ng Manila Police District ang panloloob at pamamaslang ng may anim na lalaki sa isang 33 anyos na negosyanteng Intsik sa loob ng kaniyang bahay sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.

Nasawi ang biktimang si Xintuo Weng, ng 350 Hono­rio Lopez St., Balut, Tondo sanhi ng mga bugbog sa katawan.

Anim na suspek na isa umano ang nagmamaneho ng isang cream na closed-van na di naplakahan at ang lima ay sumakay umano ng isang pampasaherong dyip sa kanilang pagtakas sa pinagyarihan ng insidente.

Sa salaysay ng mayba­hay ng biktima na kinilalang si Xiao Yuan Cheng, nagi­sing siya sa tawag ng kani­yang mister at pagbaba niya ay nakita niya sa kanilang bodega ang mister na pinag­tutulungang bugbugin ng mga suspek. 

Isa umano ang kumalad­kad sa kaniya patungo sa ku­sina at doon tinalian ang mga paa, kamay at bibig ng packaging tape.

Nadatnan naman ng mga imbestigador na naka­tali din ang mga biktima ng tuwalya habang ang kamay at mukha ay packaging tape.

Hinihinalang hinalughog ang buong kabahayan at silid ng mag-asawa at pinaniniwalaang natangay lamang ang may 100 kahon na naglalaman ng 36 piraso ng GT shoes o katumbas na halagang P36,000 na isina­kay sa nasabing closed van. Solo ang isang suspek na pinasibad ang closed van.

Hinihinala ng pulisya na may ka­ugnayan sa negosyo ng biktima ang motibo sa pag­­pa­tay bagama’t nagsa­sa­­gawa pa ng malalimang im­bestigasyon sa kaso.

Show comments