Kawani inutas ng akyat-bahay

MANILA, Philippines - Isang kawani ng telecommunications company ang natagpuang patay na naka­tarak pa ang patalim sa batok sa loob ng kan­yang apartment noong Biyer­nes Santo sa Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Mabini Marte, 25, kawani ng Smart Com­mu­nications sa Area 1, Republic Avenue­, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Nabatid na ang biktima ay kasama ng kanyang kapatid na si Theresa sa apartment ngunit nasa bakasyon ito.

Tinangay ng akyat-bahay ang laptop at cell phone ng biktima.

Ayon sa pulisya, si Marte ay natagpuan ng kan­yang utol na si Mae Marte sa loob ng apartment bandang alas-5 ng hapon.

Nakatusok pa ang kut­silyo sa batok ng biktima, habang may dalawang iba pang patalim sa tabi nito nang matagpuan ng kan­yang kapatid.

Napag-alamang ilang beses na nag-text at tina­wagan ni Mae ang kanyang utol ngunit hindi ito suma­sagot. Kaya naman nang hindi ito tumutugon sa ka­nilang tawag ay na­ngamba na si Mae at nagpasyang punta­han na lamang ito sa tinu­tuluyan para alamin ang sitwasyon.

Bumulaga kay Mae ang kapatid na du­gu­ang naka­handusay kung saan ka­agad namang ipinabatid sa pulisya ang insidente. (Ricky Tulipat)

Show comments