MANILA, Philippines - Sinalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tindahan at bodega ng isang shopping mall sa Quiapo, Maynila kung saan nasamsam ang tinatayang P92-milyong halaga ng pekeng Louis Vuitton products. Kabilang ang siyam na stalls na S-65, S-34, S-15A, S-15B, S-14, S-5, S-7, S-8 at S-11 sa sinalakay na nasa ika-2 palapag ng Manila City Plaza Shopping Mall, Quiapo, Maynila at inakyat din ang ika-4 na palapag kung saan narekober pa sa stockrooms F-3 at F14 ang mga nakaimbak na pekeng produkto. Ayon kay Atty. Joel Tovera, executive officer ng NBI Intellectual Property Rights Division (IPRD), aksiyon ito sa pagdulog ng isang Mayank Vaid, director brand enforcement, Asia Pacific, Louis Vuitton Malletier. Sa ulat ni Special Investigator III Glenn M. Lacaran, umabot sa 10,673 piraso ng assorted Louis Vuitton na kinabibilangan ng bags, hand bags, pouches, leather case, shoulder bags at iba pang accessories na nagkakahalaga ng $2,012,975 US o katumbas na P92,596,580 ang nakumpiska. (Ludy Bermudo)