Adik nag-trip kapwa driver kinatay

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang pinagtripan lamang ng tricycle driver na ‘high’ sa droga ang isang 64-anyos na kabaro nito habang umiidlip sa loob ng pinapasadang tricycle, sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi. Patay na nang idating sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang biktimang si Jose Cuyos, ng Aglipay St., Manda­luyong City bunga ng mga tama ng saksak sa katawan.

Tinutugis pa ng pulisya ang suspek na kinilalang si Patrick Buan, 34, ng Tomas St., Sampaloc, Maynila, na tumakas ma­tapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, naiidlip umano si Cuyos nang pagsa­saksakin ng suspek, habang nasa loob ito ng nakaparadang tricycle sa panulukan ng Sto. Tomas at Josefina First Sts., Sampaloc , dakong alas- 6:25 ng gabi ng Martes.

Sinabi ng mga saksi na nakita nila ang suspek na parang may hinahanap nang magtungo sa terminal ng tricycle at maya-maya ay nakarinig sila ng komosyon.

Nakita nilang sinasaksak ng suspek ang matandang tricycle driver na nagawa pa umanong makatakbo. Wala naman umanong motibong makuha sa mga saksi na nagsabing ‘pinagtripan’ lamang na saksakin ito ng suspek dahil lango ito sa droga. (Ludy Bermudo)

Show comments