Pulis, 1 pa timbog sa kotong

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga opera­tiba ng PNP-Criminal Investi­gation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang tiwa­ling pulis at isa pa nitong kasa­mahan na sangkot umano sa talamak na pangongotong at carnapping sa isinagawang entrapment operations sa Mandaluyong City.

Kinilala ni Acting PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Leon Nilo  de la Cruz ang mga na­sakoteng suspect na sina PO3 Arthur Macapagal, naka­talaga sa Mandaluyong City Police at ang kasamahan nitong si Duane Manuel.

Ayon kay de la Cruz ang mga suspect ay inaresto sa entrapment operation sa motor shop sa # 454 Boni Avenue ng lungsod dakong alas-9 ng gabi kamakalawa.

Ang mga suspect ay inaresto matapos ireklamo ng isang Enrique Casal, dahil umano sa pag-impound sa kotse nitong isang 1967 Ford Mustang at paghingi sa kanya ng P 250,000.00 libong piso kapalit ng pagbabalik ng behikulo.

Gayunman, sa halip na magbayad, humingi ng tulong si Casal sa PNP-CIDG na siyang naglunsad ng entrap­ment operation at umaresto sa dalawa.

Nakumpiska mula sa na­turang parak ang isang cal. 9 MM pistol na may 20 rounds ng bala,isang cal. 9mm pistol at anim na bala, 140 gramo ng high grade shabu, isang supot ng marijuana, anim na mamahaling sasakyan at tat­long mamahaling motorsiklo.

Nakuha naman mula sa pag-iingat ni Manuel ang isang cal .22 revolver at apat na rounds ng bala.

Show comments