MANILA, Philippines - Suspendido simula sa araw na ito (Martes) ang “unified vehicular volume reduction program o number coding” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa Semana Santa.
Sinabi ni MMDA Chairman Oscar Inocentes na ito’y upang bigyang daan ang inaasahang paglabas sa Metro Manila ng libu-libong motorista na uuwi sa kanilang probinsya ngayong Holy Week.
Kaisa rin ang MMDA sa taunang “Oplan Semana Santa” ng pamahalaan na pinangungunahan ng Department of Transportation and Communications (DOTC), katuwang ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Magtatalaga ng higit 1,000 traffic enforcers ang MMDA sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila partikular sa EDSA at sa iba pang “exit points”.
Nananawagan naman ang MMDA sa pamunuan ng North Luzon Expressway at South Luzon Express way na magdagdag ng tauhan para mangolekta ng toll fee lalo na sa rush hour upang hindi humaba ang pila at makaapekto sa ibang mga kalsada ang trapik. (Danilo Garcia)