Magpinsan nalunod

MANILA, Philippines - Kapwa sinalubong ni kamatayan ang magpinsang lalaki makaraang malunod sa pumping station sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Jeffrey Dela Cruz, 8, ng Orchids St., at Justine Asengua, 11, ng Pinag­sabugan, Brgy. Longos, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Malabon police, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang trahedya sa pumping station kung saan magkasamang naliligo ang magpinsan at iba pang kalaro.

Makalipas ang ilang sandali ay hindi na lumulutang ang magpinsan kaya hinanap na ito ng mga batang kasabay na naliligo.

Nang hindi pa rin makita ay humingi na ng tulong ang mga bata sa mga residente sa paggalugad sa tubig hanggang sa mamataan ang magpinsan na lumutang ang mga bangkay.

May teorya ang pulisya na isa sa biktima ay pinulikat kaya nahawakan naman ang isa pa sanhi upang madamay ito sa pagkalunod. (Danilo Garcia)

Show comments