MANILA, Philippines - Pinatawan ng mababang korte ng hanggang 40 taong pagkabilanggo ang apat-katao na napatunayang nagkasala ng kasong pangho holdap at pagkidnap sa isang Tsinoy trader may pitong taon na ang nakalipas sa Maynila.
Sa 35-pahinang joint decision ni Judge Silverio Castillo ng Manila Regional Trial Court, Branch 47 noong Marso 25, ang mga akusadong sina Reynante Manzanero, Mario Tayag, Arthur Fajardo at Mario Evangelista ay hinatulang makulong ng hanggang 40 taon batay na rin sa kasong isinampa ni Tony Chua.
Sa kabila nito, 14 taong pagkabilanggo lamang ang naging hatol laban sa akusadong si Angelito Evangelista dahil sa detalyadong testimonya ng biktima na hindi kasama sa dumukot, bagkus ay pinagbantay lamang sa kaniya habang nakadetine sa isang bahay sa Tanauan City, Batangas at pinakain pa siya ng biskuwit sa tindi ng kagutuman.
“Wherefore, the court finds accused Reynante Manza nero, Mario Tanyag, Arthur Fajardo, and Mario Evangelista guilty beyond reasonable doubt for the felony of kidnapping and serious illegal detention with ransom and in conformity with law they are hereby sentenced to suffer separate priston term of Reclusion Perpetua and to pay the cost,” ayon pa sa desisyon ng hukom.
Kasabay nito, inatasan din ni Castillo ang limang akusado na magbayad ng P50,000 kay Chua kapalit ng mga kagamitan na kanilang nilimas matapos na kidnapin habang dinagdagan pa ni Castillo ng 10 taon ang hatol sa mga akusado dahil sa kasong robbery.
Base sa court record, dinukot si Chua noong 2003, matapos magpakilala ang mga akusado na mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), pagkatapos na makipaglaro ng mahjong sa kanyang mga kaibigan sa Metropolitan Building in Mabini, Maynila.
Dinala si Chua sa safehouse sa may Tanauan City Batangas at ikinulong sa loob ng may 37-araw.
Humingi ng $3 milyon sa pamilya ni Chua ang mga suspek, subalit bago pa man maibigay ang ransom money sa mga akusado ay naka takas si Chua at nakapagsumbong sa awtoridad kaya naaresto ang mga suspek ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER).