MANILA, Philippines - Patay ang anak ng aktor na si Cesar Montano ma karaang magbaril ito sa sarili dahil umano sa problema sa pag-ibig, kahapon ng madaling-araw sa kanilang tahanan sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Christian Angelo Manhilot, 23, ng Yakal St., Tivoli Royale Subdivision, Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.
Base sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Station 6, isang tama ng bala buhat sa kalibre 45 baril ang tu mama sa kanang sentido na naglagos sa likurang bahagi ng ulo ni Christian Angelo. Isinugod pa ito sa Gen. Malvar Hospital pero hindi na umabot pang buhay.
Lumitaw na pasado alas- 4 ng madaling-araw nang makita ng kanyang kasambahay na si Alicia Pancho ang biktima na naliligo sa sarili nitong dugo sa may kusina sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Bago ito, base sa testimonya ng kanyang mga kasambahay, si Christian Angelo ay dapat sana’y kasama ng kanyang amang si Cesar sa Bohol para sa kampanya sa pagtakbo nito bilang gobernador dito pero nagpa-iwan ito sa kanilang bahay dahil birthday ng kanyang girlfriend.
Sinasabing pasado alas- 2 ng madaling-araw ay dumating ng bahay ang nasawi na umano’y nakainom ng alak. At makalipas ang ilang minuto ay nakarinig na lamang ang mga kasambahay ng biktima ng putok ng baril galing sa kusina at nang kanilang tunguhin ay doon na nakita ang nakahandusay at duguang si Christian Angelo.
Agad na ipinabatid ng kasambahay ang insidente sa security guard ng subdibisyon at humingi ng tulong sa awtoridad, bago tuluyang itinakbo ang biktima sa nasabing ospital
Ayon kay Supt. Crisostomo Mendoza, hepe ng Batasan Police Station 6 ng QCPD, sa pagresponde nila ay natagpuan nila sa tabi ng katawan ng biktima ang kalibre 45 baril at cellphone.
Samantala, ganap na alas-9 ng umaga nang dumating sa ospital si Montano kasama ang asawang si Sunshine Cruz, at isa pang anak na si Angela.
Ayon kay Mendoza, nakiusap ang pamilya Montano sa pamamagitan ng kanyang abogado na huwag nang maimbestigahan pa ang kaso ng anak dahil tanggap na umano nila na nagpakamatay ito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Shiela Pizarro, publicist ni Montano, nakiusap umano ang aktor sa sinuman na huwag nang haluan ng politika ang nasabing insidente.
Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Arlington Funeral Homes sa lungsod.