MANILA, Philippines - Patay ang isang 39-anyos na computer technician makaraang pagsasaksakin at pagtulungang bugbugin ng apat na holdaper makaraang tumangging ibigay ang bitbit na laptop bag, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Tuluyang binawian ng buhay sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Roberto Vargas, ng P. Narciso St., San Juan City dahil sa dami ng tinamong mga saksak sa katawan, pasa at galos dahil naman sa bugbog.
Pinaghahanap pa ang apat na lalaking suspek na armado ng patalim na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8:30 ng gabi nitong Lunes nang maganap ang insidente sa harapan ng Post Office-Sta Mesa branch, sa kanto ng Ramon Magsaysay Blvd., at Santol St., Sta. Mesa, Maynila.
Nabatid na nag-aabang ng masasakyan jeep ang biktima na papauwi mula sa pagkumpuni ng sirang computer sa Sampaloc, Maynila nang palibutan ito ng mga suspek at naglabas ng patalim sabay deklara ng holdap.
Pinaniniwalaang tumanggi umano na ibigay ng biktima ang bitbit na laptop bag kaya pinagsasaksak siya at kinuyog ng apat. Nang humandusay na sa semento ang duguang biktima ay kinuha pa sa kanyang bulsa ang cash, cellphone at ang dalang laptop bag bago kaswal na naglakad papalayo sa direksiyon ng Ramon Magsaysay Blvd.
Naniniwala si Kabigting na inakala ng apat na may lamang laptop computer ang bag, na ginawa lamang umanong lalagyan ng kanyang mga gamit sa pagre-repair ng biktima.
Nagbabala rin si MPD-Homicide chief, C/Insp. Erwin Margarejo sa publiko na hindi dapat magbitbit ng anumang bagay na maaring makaagaw ng atensiyon ng mga holdaper lalo na sa gabi tulad ng laptop bag na naging mitsa ng buhay ng biktima. (Ludy Bermudo)