MANILA, Philippines - Natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng isang 55-anyos na guro ng Manila Science High School sa loob ng inuupahan nitong silid sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Luvimindo Soriano, 55, binata, ng 7 Acacia St., Bo. Magsaysay, Tondo.
Sa imbestigasyon ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9 ng umaga nang madiskubre ang nabubulok na bangkay ng biktima sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto.
Sinabi ng isa pang okupante na si Gina Traje, noong Biyernes ng gabi nang huli niyang makitang buhay ang guro nang bumili pa sa isang sari-sari store bago pumasok sa kanyang kuwarto.
Nadiskubre lamang ang bangkay matapos na malanghap ang mabahong amoy buhat sa tinutuluyan nito. Nang buksan ang silid ay nakitang nakaupo ang bangkay na hinihinalang inatake habang umiinom ng alak. Ito umano ay mag-isa lamang na nagungupahan sa nasabing silid.Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ludy Bermudo)