MANILA, Philippines - Pinaslang muna ang guwardiyang nagbabantay bago nilooban at tinangay ang kaha-de-yero ng isang gasolinahan ng isang grupo ng mga kawatan kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Namatay noon din ang biktimang si Virgilio Maga, ng 5MR & HVC Security and Investigation Agency sanhi ng tinamo nitong matitinding palo sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa matigas na bagay.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis para sa ikadarakip sa mga salarin.
Sa inisyal na imbestigasyon nina P03 Leopoldo Diaz at P02 Danilo Esguerra, ng Station Investigation Division (SID), Las Piñas City Police, dakong alas- 6 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng mga kawaning sina Wilson Soliven, 30 at Jessine Campbell, 21 sa loob mismo ng comfort room ng Caltex Gasoline Station, na matatagpuan sa Southland Avenue, Brgy. Talon 1, ng nabanggit na siyudad. Doon din nabatid na nawawala ang kaha-de-yero ng gasolinahan na naglalaman ng malaking halaga.
Ayon sa imbestigasyon, posibleng sumalakay ang mga suspek dakong alas-12 ng hatinggabi. Maaari ring pinaslang muna ang sekyu bago tuluyang nilooban ang naturang establisimento.