MANILA, Philippines - Inaalam ng pulisya kung tumalon o aksidenteng nahulog ang isang American national mula sa ika-10 palapag na condominium na tinutuluyan nito matapos matagpuan ang bangkay nito sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na report, nakilala ang biktima na si Dean Edward Buzoff, 52, taga-Pennsylvania, USA at kasalukuyang nanunuluyan sa Unit #1016 Park Avenue Mansion, na matatagpuan sa Park Avenue, Pasay City.
Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at nagkalasug-lasog ang katawan na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Nabatid na tumawag sa pulisya ang security guard na si Rodrigo Regahai upang ipaalam ang insidente.
Ayon kay Regahai, habang nagsasara siya ng ilaw, napansin nito ang nakahandusay at duguang biktima sa kahabaan ng F. Sanchez St., harapan ng Dave’s Fine Apartment, na malapit lamang sa condominium na tinutuluyan nito, dakong alas-11:45 ng gabi.
Dahil dito ay mabilis na rumesponde ang mga kagawad ng Pasay City Police at dito nga tumambad sa kanila ang duguan at wala ng buhay na biktima na kinilala sa pamamagitan ng passport at mga personal na dokumentong nakuha dito.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa sila ng malalimang imbestigayon kung ang nabanggit bang dayuhan ay tumalon, nahulog o inihulog mula sa ika-10 palapag na condominium na tinutuluyan nito. (Lordeth Bonilla)