MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng kaso ng Philippine National Police (PNP) sa Office of the Ombudsman ang isang piskal ng Pasay City matapos na ibasura ang kasong paglabag sa Comelec gun ban sa naarestong si Malinao, Albay Mayor Avelino Ceriola na nahulihan ng baril na peke ang papeles habang pasakay ng eroplano sa NAIA Terminal 2 sa Pasay City noong Lunes.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina, lantarang binalewala ng Pasay City Prosecutor’s Office ang kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Omnibus Election Code na isinampa ng PNP laban kay Ceriola.
Sinabi ni Espina na sinampahan nila ng kasong malfeasance at grave abuse of discretion sa tanggapan ni Atty. Gil Bueno, graft investigator ng Office of the Ombudsman si Pasay City Asst. Prosecutor Manuel Ortega sa kabiguang litisin sa kaso ang inarestong alkalde.
Base sa resolusyon na nilagdaan ni Inquest Prosecutor Manuel Ortega na inaprubahan ni Pasay City Prosecutor Elmer Mitra, ipinag-utos ang pagpapalaya sa inarestong alkalde.
Inihayag ni Espina na inatasan na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang PNP-Aviation Security Group PNP-ASG) na magsumite kaagad ng motion for reconsideration at sampahan ng kasong administratibo ang nasabing piskal kaugnay ng posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Grave Abuse of Discretion.
Si Ceriola ay nasakote ng PNP-Aviation Security Group noong Lunes habang pasakay ng PR 277 patungong Legaspi City nang maharang ito sa security inspection sa NAIA Terminal 2 sa Pasay City dahilan sa pagdadala ng cal. 45.
Ang alkalde ay inaresto dahilan sa pagpiprisinta ng pekeng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) na inisyu umano ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle, Chairman ng Comelec Committee on the Ban on Firearms and Security Personnel (CBFSP).
Samantala, bunga ng insidente ay inirekomenda ng PNP sa Comelec na idiskuwalipika ang kandidatura ng reelectionist na si Ceriola kaugnay ng gaganaping halalan sa Mayo ng taong ito.