MANILA, Philippines - Wasak ang apat na sasakyan na nakaparada sa isang pribadong parking lot sa harapan ng isang hotel sa Makati City makaraang pasabugan ng granada, kahapon ng madaling-araw.
Wasak ang brown na Toyota Revo (XBE-775) na nakarehistro sa isang Raymond Oblea at ang silver na Chevrolet (ZEV-294) na arkilado ng Amerikanong si Joseph Doyle sa Hertz Rent-a-Car.
Napinsala rin sa naturang insidente ang silver na Toyota Corolla Altis ( ZHF-700) na pag-aari ng isang Augusto Politeo at Nissan Sentra (TTJ-731) na nakarehistro sa isang Oronato Domingo.
Sa imbestigasyon ng Makati Investigation and Detective Management Branch, dakong alas-4:06 ng madaling araw nang sumambulat ang malakas na pagsabog sa parking lot sa tapat ng Tower Inn Hotel sa 1002 Arnaiz Avenue, Makati.
Agad na tumawag ng bumbero ang mga security guard ng naturang hotel kung saan mabilis na naapula ang apoy na likha ng granada.
Ayon kay Chief Insp. Merquiodi Bodanio, hepe ng Special Weapons and Tactics ng Makati City police, isang MK-2 fragmentation grenade ang ginamit sa pagpapasabog.
Masuwerte namang walang nasaktan sa insidente na posible umanong isang uri lamang ng pananakot sa isa sa may-ari ng mga nawasak na behikulo.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan isasailalim sa pagtatanong ang mga bantay ng parking lot at background investigation sa mga may-ari ng sasakyan. (Danilo Garcia)