MANILA, Philippines - Patuloy na nangunguna ang tambalang Herbert “Bistek” Bautista para alkalde at Joy Belmonte para sa bise alkalde matapos nilang muling ilampaso ang kalabang sina dating presidential staff Mike Defensor at Aiko Melendez sa survey ng dalawang local group dito sa halalang lokal sa Quezon City.
Base sa survey ng SmartLearn Media at Makakalikasang Manininda sa Murphy Market Inc., malayong iniwan nina Bautista at Belmonte ang kani-kanilang katunggali kung saan nagtala ang mga una ng mataas na porsiyento ng boto laban kina Defensor at Melendez.
Ayon sa ilang kasapi ng asosasyon, sa ipinapakitang malaking kalamangan ng partido nina Bistek at Belmonte, posibleng maulit ang senaryo ng pag-iyak ni Defensor nang matalo ito sa pagka-senador noong 2007.
Lumitaw sa latest survey ng SmartLearn Media at Makakalikasang Manininda sa Murphy Market Inc. na may 150 respondents at binubuo ng stall holders, vendors, helpers at ambulant vendors, nakakuha si Bautista ng 119 boto (79 percent); Belmonte, 123 boto (82.6 percent); kumpara kina Defensor, 27 boto (18 percent); Aiko Melendez, 25 boto (16.6 percent); Annie Susano, 4 boto (2.6 percent); at Janet Malaya, 2 boto (1.3%). (Ricky Tulipat)