MANILA, Philippines - Inireklamo ng isang 27- anyos na pharmacist ang isang review center dahil sa kabiguang mapaalis siya para sa trabaho sa Australia, sa kabila ng P250,000 nakuha sa kanya bilang bayad sa processing fee at review, sa Malate, Maynila.
Ayon sa biktimang si Nona Carla Macuto Asilom, ng Julio dela Cruz St., Palanan, Makati City, pinagtataguan na siya ng suspek na si Dr. Joseph Bagtas Morales, ng 6th Ave., Grace Park Caloocan City, at may-ari ng ALL-UP Review and Education Center sa 1639 Room 203 Casa Pennsylvania Condo, Leon Guinto St., Malate, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PO3 Mariano Panaligan, Oktubre 25, 2005 hanggang Hulyo 2009 naganap ang bayaran sa mismong tanggapan ng suspek.
Sinabi ni Asilom, nag-review ito sa nasabing review center dahil sa kagustuhan na makapagtrabaho sa Australia tulad ng dadaanang FPGEE US Pharmacy Program, Australia Pharmacy Program at Pharmacy Board Examination. Hiningan umano siya ng suspek ng halagang P250,000 para sa entrance, processing at consultancy fees at Australian visa.
Sa kabila na natapos ng biktima ang kanyang pagre-review at kanyang Australian visa na lamang ang kanyang hinihintay hanggang sa tumagal na ang pangako na sa loob ng 2 taon ay makakaalis na ito.
Sa pagpa-follow-up niya umano sa tanggapan ng suspek ay hindi ito humaharap at pinasasabi na lamang ang pangako na makaaalis din siya. (Ludy Bermudo)