Kelot todas sa kapitbahay

MANILA, Philippines - Isang 26-anyos na lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin ng kapitbahay nito katulong ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Hindi na umabot pang buhay sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Joven Geronimo, ng Ventanilla Street, ng natu­rang lungsod.

Nadakip naman ang suspek na nakilalang si Arman Cayetano, 39, ng 16th de Agosto Street, Aurora, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-2:26 ng madaling-araw sa tapat ng isang tindahan sa Aurora St., Galvez Compound.

Ayon sa saksing si Oligario Trinidad, pedicab driver, positibo nitong itinuro si Cayetano kasama ang dalawa pang hindi nakilalang lalaki na nakikipagtalo kay Geronimo at nakitang pinaputukan ng baril ng una ang biktima. 

Sinabi pa ng live-in partner ng biktima na si Rizza Jhoana Castillo, nakatanggap na umano sila ng pagbabanta buhat kay Cayetano nang sabihan siya nito na huwag magpapakita ang kinakasama isang linggo na ang nakakalipas.

Nagsasagawa pa naman ngayon ng karagdagang imbestigasyon ang pulisya upang mabatid ang motibo ng naturang krimen at upang makilala rin ang mga kasamahan ni Cayetano. (Danilo Garcia)

Show comments