MANILA, Philippines - Bukod sa pagbubulgar sa mga anomalya sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bicol, sinabi kahapon ni jueteng witness Sandra Cam na posibleng may kaugnayan pa rin ang isyu ng jueteng sa pagpaslang kay Wilfredo Mayor sa Pasay City.
Sa paglutang kahapon ni Cam sa Pasay police, sinabi nito sa mga mamamahayag na naging malapit na kaibigan ni Mayor ang isang big-time jueteng operator sa Central Luzon na may alyas na “Dose” at nagpapatulong umano na mapasok ang Bicol at Camarines Sur.
Malaking halaga umano ang naibigay ng naturang jueteng operator kay Mayor subalit hindi naman natuloy ang paglalatag nito ng jueteng operation sa Bicol dahil sa “Virtual-2” na legal na sugal at kahalintulad din ng jueteng na umiiral sa naturang rehiyon.
Sinabi pa ni Cam na bagama’t itinanggi na ni DPWH Regional Director Danilo Manarang na wala namang ipinasok na kontrata si Mayor sa Bicol Region, may dokumento na nagpapakita na nakapagpasok ng kontrata ang construction firm ni Mayor sa iba’t ibang proyekto ng naturang ahensiya.
Sinabi naman ni Task Force Mayor head at Pasay city police chief Sr. Supt. Raul Petrasanta, maaari namang gumamit ng ibang kompanya upang makakuha ng kontrata ang isang kontraktor kaya’t malaki ang posibilidad na may nakuha talagang kontrata sa Bicol si Mayor.
Kahapon ay pormal na ring nagbigay ng kanyang testimonya si Cam sa Task Force Mayor at inilahad ang mga napag-usapan nila ni Mayor bago ito napaslang.
Bagama’t isinasantabi naman ni Cam ang posibilidad na may kaugnayan din ang pamamaslang sa mga naiwang pagkakautang ni Mayor sa iba’tibang casino financier, kabilang na rito ang milyong halaga ng salapi sa isang Erlinda Yao alyas “Flower” patuloy naman itong tinututukan ng pulisya matapos matuklasan na hindi lamang sa casino kundi sa sabong din nahumaling ang napaslang. (Danilo Garcia)