MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang grupong *Dugo-dugo gang* at biktimahin ang isang dalagang negosyante na nakuhanan ng una ng milyong halaga ng ari-arian matapos linlangin ang katulong ng huli ng kanilang modus operandi sa lungsod Quezon kamakalawa.
Dumulog sa pulisya ang biktimang si Maria Corazon Reyes, 45, ng West Point St., Cubao sa lungsod para magreklamo.
Ayon sa biktima, natangay sa kanya ng grupo ang P4,000 cash, apat na piraso ng land title, passbook, 5 ATM cards at OR-CR ng kanilang motor.
Tulad ng nakagawiang modus ng mga suspect, nag-ugat ang insidente nang makatanggap umano ng tawag ang katulong ng biktima na si Estelita Reyes na nasangkot sa vehicular accident ang kanyang amo kamakalawa ng alas -11 ng umaga.
Sinabi umano ng caller kay Estelita na may nadamay pang bata ang kanyang amo, kung kaya nangangailangan ito ng malaking halaga para pambayad.
Kasunod nito, inatasan ng caller ang katulong na magtungo sa kuwarto ng amo at kunin ang alahas at pera nito sa drawer para pambayad.
Sa paniwalang totoo ang sinasabi ng caller ay sumunod naman ang katulong saka dinala ang nasabing items sa lugar na iniutos ng una at ibinigay ito.
Nalaman na lamang ng katulong na naloko siya nang dumating ang kanyang amo mula sa kanyang opisina na walang sugat. (Ricky Tulipat)