MANILA, Philippines - Aabot sa P10-milyong halaga ng cocaine ang nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District at National Bureau of Investigation sa magkahiwalay na operasyon sa Tondo at sa Catarman Samar.
Sa Maynila inaresto ng mga awtoridad sina Jolly Soriano Bangsa, 36; at Leslie Nab Reyes, 27, matapos masabat sa kanilang posesyon ang isang kilo ng cocaine, na nagkakahalaga ng P5-milyon, habang naghihintay ng buyer sa Tutuban Mall, Tondo, Maynila, sa ulat kahapon.
Dakong alas-9:00 ng umaga noong Linggo nang masakote ang dalawang suspek sa harapan ng Tutuban Mall matapos inguso ng police asset hinggil sa pangangalap umano ng buyer ng dalawang suspek.
Samantala, nadakip naman ng NBI si Dante Palando Ponio, 33, ng Gamban St., Riverside, Pasay City at may isa pang address sa Brgy. Tunasan, Ladora Village, Muntinlupa City sa isinagawang buy-bust operation.
Isang kilo din ng cocaine na nagkakahalaga ng P5 milyon ang nasamsam sa suspect sa operasyon sa Catarman, Samar.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga nadakip. (Ludy Bermudo)