Lola binoga sa batok

MANILA, Philippines - Butas ang batok ng isang 72 anyos na lola matapos na barilin at mapatay nang malapitan ng isang lalaki sa harap ng kanyang 14 anyos na apo habang naglalakad sila pauwi galing sa palengke sa Barangay Payatas sa Quezon City kahapon ng umaga.

Nalagutan na ng hini­nga nang maisugod sa ospital ang biktimang si Greta Dagdag, biyuda, residente sa Payatas.

Sinabi ng apo na si Dianne Rose Maravilla na tinatayang nasa edad na 25-30 anyos ang edad ng suspek na naka-t-shirt at maong na pantalon at sakay ng isang pulang Honda XRM motorcyclye.

Ayon kay PO2 Greg Maramag, may-hawak ng kaso, alitan sa lupa ang tinitingnan nilang motibo sa naturang pa­ma­maslang dahil nag­karoon na ang biktima ng usapin sa korte pa­tungkol dito laban sa isang uma­angkin din sa lote na alyas Solis na kalugar din nila.

Sa imbestigasyon ni Maramag, lumilitaw na nangyari ang insidente sa kanto ng Malakas St. at Payatas Road, bandang alas 6:15 ng umaga.

Bago nito, galing ang maglola sa pamama­lengke sa Abris talipapa at naglalakad sila papa­uwi sa nasabing lugar nang barilin ng suspek. (Ricky Tulipat)

Show comments