MANILA, Philippines - Dalawang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at dalawang kagawad ang pinarangalan dahil sa pagkakadakip sa isang babae na sangkot sa kidnap-for-sale ng mga bata na nag-ooperate sa lungsod ng Maynila. Personal na pinarangalan nina Manila Mayor Alfredo Lim at ni MTBP chief Nancy Villanueva ang mga enforcers na sina Ricardo Pilapil at Rodrigo Lorenzo at mga barangay kagawad na sina William Meneses at William Gasmin. Sa salaysay ni Evangeline Mariano, ina ng batang dinukot, kinaibigan siya ng suspect na si Christina dela Cruz habang nagtitinda siya sa Harrison Plaza mall sa Ermita. Naging madalas ang kanilang pagkikita at pag-uusap.
Pebrero 20 nang maganap ang insidente nang ihabilin pansamantala ni Mariano ang kanyang anak kay Dela Cruz upang magbanyo. Subalit laking gulat niya nang hindi na niya abutan ang kanyang anak at si dela Cruz na nagbunsod sa kanya upang humingi ng tulong mula sa mga traffic enforcers at kagawad.
Hindi tumigil sina Pilapil, Lorenzo, Meneses at Gasmin sa paghahanap hanggang sa makakuha sila ng impormasyon na may nagbebenta ng bata sa halagang P200 hanggang P1,000. Agad na tinungo nina Pilapil at Lorenzo ang lugar at nadakip ang suspect. Agad ding sinampahan ng kasong child trafficking si dela Cruz. (Doris Franche)