Holdaper todas sa shootout

MANILA, Philippines - Patay ang isa sa riding-in-tandem na sina­sabing miyembro ng notoryus na robbery group matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Manila Police District-Station 5 sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang nasawing si Michael “Tisoy” Banto, 38, ng 2691 L. dela Paz St., Pandacan, Maynila bunga ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Sinabi ni SPO4 Carlos Chan, nakatakas ang kasamahan ni Banto, na pakay nila sa follow-up operation.

Sa ulat ni MPD-Homicide Section Det. Jay Santos, dakong alas-3:25 ng madaling-araw nang maganap ang shootout ilang hakbang lamang sa MPD-Station 5 sa United Nations Avenue, malapit sa panulukan ng A. Mabini St., Ermita.

Nabatid na nagpapatrulya sina SPO4 Chan, nang mapuna nila ang pagsalungat sa trapik (counterflow) ng dalawang suspek sakay ng isang Honda Wave motorcycle na may plakang 2090-NC, asul at may kombinasyong itim.

“Nagduda kami kasi may dala silang tig-isang knapsack na bumubukol sa dami ng laman at nagmamadaling makaalis sa lugar, pati one-way pinasok,” ani Chan.

Nang sundan ang dalawa ay nakorner sila sa panulukan ng A. Mabini St. matapos mag U-turn, kaya sinita ni PO1 Jeffrey Surmaco upang hingan ng driver’s license. Sa halip na ilabas ang lisensiya, ang inilabas ay isang stain­less knife, habang ang kasama ay ikinasa ang baril sa mga pulis at saka pina­putok.

Dahil dito, napilitan ang mga pulis na papu­tu­kan si Banto, habang tumatakas naman ang kasamahan nito. Dinala si Banto sa paga­mutan habang ang motorsiklo ay inabandona na ng nakatakas na suspek.

Narekober naman sa dalawang knapsack ang iba’t ibang uri ng car parts at  car acces­sories.

Ayon kay Chan, ang grupo umano ay notor­yus sa Pandacan area sa holdap at pagna­nakaw ng kahit anong mapakikinaba­ngan, at ngayon ay nag-operate naman sa Ermita, Maynila. (Ludy Bermudo)

Show comments