Pagsala sa PNP recruits, isasangguni sa publiko

MANILA, Philippines - Hinihiling ngayon ng National Capital Region Police­ Office (NCRPO) ang tulong ng publiko sa pagsala at pag-recruit sa mga aplikante sa pagkapulis sa pama­­magitan ng pagsusumbong sa kanila ng mga kinaka­harap na kaso o masamang ugali nito upang hindi na makadagdag sa mga bugok na pulis na nasa serbisyo.

Upang maisakatuparan ito, ipapaskil ng NCRPO umpisa sa Marso 5 ang pangalan ng mga aplikante sa kanilang website na www.metromanilapolice.org upang makita ng publiko.

Hinikayat ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales ang publiko na isumbong sa kanila ang anumang uri ng negatibong ugali o ibang katangian ng mga aplikante upang agad nilang masala. Nangako ito na ituturing ang anumang impormasyon ng mga nagsusumbong na “confidential” at mana­natiling sikreto upang matiyak ang kaligtasan nito.

Maaaring magsumbong ang sinumang may impor­masyon sa mga aplikante sa pagkapulis sa pama­ma­gitan ng pag-email sa info@metromanila police.org, pag-fax sa numero 838-3354 o sa PNP TXT 2920.

Malaking tulong umano ang kooperasyon ng publiko hindi lang sa pagkilala sa mga matitino at mahuhusay na pulis ngunti maging sa pagsala sa mga “misfits” ng mas maaga.

Nasa 1,140 bagong pulis ang nire-recruit ng NCRPO kada taon. Ngayong taon, umaabot na sa 560 ang aplikasyong natatanggap nito. (Danilo Garcia)

Show comments