Mag-utol tumodas sa TODA official, timbog

MANILA, Philippines - Nadakip na ng tropa ng Quezon City Police ang magkapatid na riding in tandem suspects sa pagbaril at pagpatay sa opisyal ng isang asosasyon ng tricycle sa isinagawang pagsalakay sa kanilang tinutuluyan sa lungsod, kamakalawa..

Ang magkapatid na sina Jano Saripadak, 34, at Jalalalodin Saripadak, 23, ay nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa kanilang tinutuluyan sa Batan St., Garcia Compound, Brgy. Holy Spirit.

Ang magkapatid ang itinuturong bumaril at nakapatay kay Willie Lotu, 47, board member ng Luzon Tricycle Drivers and Operators Association (TODA) sa harap ng Rannel’s bakery malapit sa terminal ng tricycle sa panulukan ng Luzon at Commonwealth Avenue sa lungsod kamakalawa ng umaga.

Narekober din ng pulisya ang kulay asul na motorsiklo na ginamit ng mga suspect.

Lumalabas na alitan sa pagitan ng dalawang partido ng mga tricycle ang motibo ng pamamaril. (Ricky Tulipat)

Show comments