MANILA, Philippines - Dalawang lalaking pinaniniwalaang biktima ng salvage ang natagpuan sa magkahiwalay na lugar sa Maynila at Las Piñas kahapon.
Unang natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa sako, nakagapos ng alambre ang mga kamay at paa at balot ang mukha ng packaging tape ang natagpuang nakalutang sa Pasig River, sa bahagi ng Binondo, Maynila.
Inilarawan ang biktima na nasa 45-55 anyos , may taas na 5’4’’ hanggang 5’7’’, katamtaman ang pangangatawan, may bungi sa itaas na ngipin, nakasuot ng green na t-shirt, itim na maong pants at tadtad ng tattoo ng ‘Commando gang’.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:40 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa Ilog Pasig sa tapat ng Filipino-Chinese Federation building sa Binondo.
Samantala, nadiskubre naman ng mga residente sa isang barangay sa Las Piñas City kahapon ng madaling-araw ang bangkay ng isang lalaki na nagtamo ng isang tama ng bala sa noo na hinihinala ring biktima ng summary execution.
Inilarawan ito na nasa edad na 25-30, nakasuot ng pulang t-shirt, itim na pantalon, may mga tattoo na “Jojo” at “Sputnik” sa katawan. Nabatid na nasa pagitan ng magkabilang mata nito ang tama ng bala na posibleng ipinutok ng malapitan.
Dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang madiskubre ang bangkay sa bakanteng lote sa Metrocor Site, Brgy. Almanza I, ng naturang lungsod.
May hinala ang pulisya na pinaslang sa ibang lugar ang bik tima dahil sa wala namang narinig na putok ng baril ang mga residente at itinapon lamang sa naturang bakanteng lote.
Patuloy namang inaalam ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng naturang suspek na maaari umanong miyembro o may atraso sa isang sindikato. (Ludy Bermudo at Danilo Garcia)