Rider lasog sa nagkakarerang dump truck

MANILA, Philippines - Patay agad ang isang 29- anyos na lalake matapos na mabundol ang sinasakyan nitong motorsiklo ng nagka­ ka­rerahang dump truck sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Joe Fulgosino, ng #48 So­pocoy St.,Brgy Manresa, sa lungsod.

Hawak naman ng pamu­nuan ng Traffic Sector 6 ang da­lawang driver ng dump truck na sina Celso Potes, 43, driver ng Isuzu truck (TST-740) at Lolito Andres Oco,41, driver  ng Isuzu truck (RDU-882).

Ayon kay Vicente Mara­sigan, traffic investigator ng Traffic Sector 6, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quirino Highway Brgy. Sa­ngandaan sa lungsod pasado alas-2 ng madaling- araw.

Binabaybay umano ng biktima sakay ng kanyang Honda Bravo motorcycle (1465–NF) ang nasabing lugar patungo sa direksyon ng Balintawak nang pagsapit sa harap ng Mercury drug ay biglang sumalubong dito ang nag-uunahang dalawang dump truck.

Ayon kay Marasigan, unang sumalpok ang motor­siklo ng biktima sa gilid ng truck ni Potes matapos na umobertake ito sa truck ni Oco kung saan dito naman muling humampas ang una.

Sinasabing nagawa agad na makapag-preno ni Oco kung kaya pumailalim la­mang ang motorsiklo at ang biktima sa unang gulong nito.

Subalit dahil matindi ang pagkakasalpok ng biktima sa dalawang truck, napinsala ang buong katawan at ulo ng biktima na agad na ikina­matay nito.

Ayon sa mga saksi, ma­tulin umano ang takbo ng na­sabing mga truck na tila nag­kakarerahan kung kaya hindi nila napansin ang paparating na motorsiklo ng biktima.

Kasong reckless impru­dence resulting  to homicide  at damage  to property ang kina­kaharap ngayon ng mga driver ng dump truck.

Show comments