Sundalo sa OVP sinaksak

MANILA, Philippines - Isang sundalo na nakata­laga sa Office of the Vice President ang sinaksak ng isang lalaki na nainis sa labis niyang kalasingan at kakulitan habang nakikipaglamay ito sa isang namatay na kamag-anak sa Caloocan City kama­kalawa ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Canexto James, 41-anyos, active member ng Armed Forces of the Philippines at nakatalaga sa OVP.

Nagsasagawa pa ng fol­low-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa naki­kilalang suspek.

Naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa isang lamayan sa Brixton at Opel Streets sa Camarin ng nabanggit na lungsod.

Galing sa inuman at nag­punta ang biktima para maki­paglamay sa isang namatay na kaanak at hindi nito na­malayan na ang hindi kilalang suspek na naglalamay din ay naasar sa kanya sanhi ng pa­gi­ging lasing, makulit at ma­ingay nito.

Nairita ang suspek, bumu­not ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima. (Lor­deth Bonilla)

Show comments