MANILA, Philippines - Nalalagay ngayon sa “hot water” ang may 10 ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), matapos ireklamo ng pangongotong ng isang negosyante na nakuhanan ng malaking halaga ng mga ito.
Personal na dumulog sa Manila Police District-General Assignment Section ang biktimang si Dennis Uy Tuazon, may-ari ng Jerson Manpower Agency na matatagpuan sa FB Harrison Plaza St. corner San Juan St., Pasay City at residente ng Parañaque City.
Lumilitaw sa reklamo ni Tuazon na inaresto siya ng mga NBI agents na tatlo dito ay nakilala lamang sa mga panga lang Gabinete, Cruz at Jun ng NBI Computer Crime Division.
Sinabi ng biktima na dinala umano siya ng mga naturang ahente ng NBI sa NBI headquarters sa UN Avenue, Taft, Maynila dakong alas-5 ng hapon.
Tinakot umano siya ng mga ahente na sasampahan ng kasong “illegal recruitment” at pinayagan lamang siyang makalaya dakong alas-12 ng hatinggabi, matapos niyang makapagbayad ng halagang P320,000.
Ayon pa kay Tuazon, walang tigil ang pangha-harass sa kanya ng mga NBI agents kung kaya’t napilitan na lamang siyang magbigay ng nasabing halaga.
Nang makalaya, kaagad na dumiretso sa MPD-GAS si Tuazon at doon nagsampa ng reklamo. (Doris Franche)