MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ng Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS), ang umano’y iregularidad na naganap sa loob ng District Jail Management Section (DJMS) matapos na magreklamo ang isang inmate na babae ng abortion at extortion.
Pinagpapaliwanag ni Chief Insp. Marcelo Reyes, hepe ng MPD-GAS si PO2 Tony Cuderes, nakatalaga sa Office of Chief Investigation District Unit (OCIDU), para sagutin ang inihain na reklamo ng isang Aminah Abdulah.
Inatasan si Cuderes na magsumite ng kanyang paliwanag kaugnay sa kasong abortion at money extraction na isinampa ni Abdulah.
Naganap umano ang insidente sa loob ng DJMS sa pagitan ng Setyembre hanggang Disyembre 2009.
Ayon sa ilang MPD insider, buntis umano si Abdulah at doon na inabot ng pagpapa- abort sa DJMS.
Nalaman din na halagang P35,000 ang sangkot sa reklamong money extraction na pinaiimbestigahan ni Reyes.
Bukod sa nabanggit na anomalya, ibinulgar din ng MPD insider na pinagbabayad pa ng halagang P50.00 ang kada bisita na gustong makadalaw sa kanilang mga kaanak na nakadetine sa DJMS.
Ayon kay Reyes, nais niyang malaman kung papaano nabuntis ang biktima sa loob ng DJMS. (Doris Franche)