MANILA, Philippines - Binatikos ng daan-daang residente mula sa Cavite ang Department of Interior and Local Government (DILG) bunga ng umano’y walang humpay na pagsibak at balasahan na kanilang ginagawa sa mga hepe ng pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bitbit ang mga placard ng nagsasaad na “Pulis ibinenta ni Puno sa mga politiko,” sumugod kahapon ng umaga ang nasabing mga residente para manawagan kay Sec. Ronaldo Puno at iba pang opisyales ng rehimeng Arroyo na huwag umanong bastusin ang batas.
Giit ng mga residente, sang-ayon anya sa batas, ang kapangyarihan umano sa pagpili ng mga hepe ng pulisya at provincial police directors ay ibinigay sa mga local government units (LGUs) tulad ng mayor at gobernador ng mga lalawigan.
Inihalimbawa ng grupo ang sinapit ni Cavite police director, Senior Supt. Alfred Sotto Corpus, na tinanggal pa rin sa utos ni Puno sa kabila ng mahigpit na pagtutol ni Gov. Irineo ‘Ayong” Maliksi at pagpasok ng election ban.
Anila si Corpus ang isa sa halos dalawang dosenang opisyales ng PNP na sinibak o inalis sa puwesto ng DILG at PNP sa umano’y iligal na pamamaraan.
Dagdag ng mga ito, ang pagsibak kay Corpus noong nakaraang buwan ay ginawa sa kabila ng temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Cavite Regional Trial Court at kawalan ng pahintulot ng Comelec.
Anila, kapuna-puna na karamihan sa mga lugar na binalasa ang hepe ng pulisya ay balwarte ng oposisyon. (Ricky Tulipat)