MANILA, Philippines - Binaril at nasugatan ang isang negosyante matapos nitong titigan ang isang babae na kasama ng mga suspek sa Navotas City, kaha pon ng madaling-araw.
Nasa kritikal na kondisyon at inoobserbahan sa Jose Rodriguez Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Danilo Santos, 45, ng Gov. Pascual st., Brgy. San Roque ng nabanggit na lungsod.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang mga suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling-araw sa KC KTV Bar, na matatagpuan sa kahabaan ng Governor Pascual St., Brgy. San Roque ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na kainuman ng biktima ang kanyang mga kaibigan sa nabanggit na bar, nang matitigan nito ang isang babae na kasama ng mga suspek sa katapat na mesa.
Napansin ng isa sa mga suspek ang pagtitig ng biktima na naging dahilan upang sitahin si Santos.
Dahil dito, nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa bunutin ng isa sa mga suspek ang dalang baril at putukan ang biktima. (Lordeth Bonilla)