400 kawani ng PDEA sinorpresa sa drug test

MANILA, Philippines - Nabigla ang may 400 kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos isagawa ang sor­presang drug testing sa flag raising sa kanilang tanggapan sa Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay Derreck Car­reon, public information officer ng PDEA, dahil itinu­ring ang ahensya na isa sa tagapag­patupad ng batas laban sa droga kailangan ang mismong ahensya lalo na ang mga tauhan dito ay hindi naba­bahiran ng anu­mang may kinalaman sa bawal na droga.

Nabatid na alas-8 ng umaga nang pigilan ni PDEA director Senior Under­sec­retary Dionisio R. Santiago ang lahat ng kawani at mga ahente nito na umalis sa kanilang hanay makaraan ang flag raising ceremony para sa surpresang drug testing.

Sinasabing ang drug testing ay ginawa bunga ng pagkakadakip ng otoridad sa isang prison guard ng PDEA na sangkot sa droga.

Ngunit ayon kay Car­reon, walang kinalaman ang na­sabing isyu sa drug testing dahil ginagawa nila ito tatlong beses sa isang taon, upang hindi pagduda­han ng mga mamamayan ang kanilang integridad.

Malalaman ang resulta ng drug testing sa loob ng 24-oras kung saan ang magiging positibo ay bibig­yan ng ka­uku­lang aksyon. (Ricky Tulipat)

Show comments