Bagets dedo sa gang war

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 18 anyos na lalaki makaraang masaksak sa gitna ng rambol ng dalawang grupo ng kaba­taang lalaki kahapon ng madaling-araw sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Hindi na umabot ng buhay sa Medical Center Muntinlupa ang biktimang si Mark Eric Arciaga, binata, ng no. 172 San Guillermo street, Barangay Putatan. Nagtamo ito ng malalim na tama ng saksak sa dibdib na posibleng tumagos sa baga.

Pinaghahanap naman ngayon ng mga pulis ang naka­takas na suspek na si Anthony Manoor, 17 anyos, resi­dente rin ng naturang lugar at ang iba pang mga kasa­mahan nito.

Sa ulat ng Muntinlupa Police, naganap ang pananaksak dakong alas-4:00 ng madaling-araw sa gitna ng San Guillermo Street kung saan nagharap ang magkabilang grupo ng biktima at ng suspek.

Nagkakagirian pa lamang ang magkabilang panig kung saan sinabi ng mga saksi na tinangkang umawat ni Arciaga. Dito umano biglang nambato ng bote ng beer si Manoor kung saan sumiklab na ang rambol.

Si Manoor rin ang itinuturong sumaksak kay Arciaga kung saan nagkanya-kanyang pulasan nang duguang bumagsak ang biktima. (Danilo Garcia)

Show comments