MANILA, Philippines - Dahil sa matinding problema sa pera, isang retired engineer ang nagbigti sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Patay na nang matagpuan si Engr. Jovenciano Arbas, 54, ng Good Harvest Subdivision, ng nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na report ng Caloocan City Police, alas-8 ng umaga nang makita na nakabigti ng tela ang biktima sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ng kanyang anak na babae na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Lumalabas na kakapusan sa pera ang pinoproblema ng biktima na naging dahilan upang kitlin nito ang sariling buhay, ayon sa nakalap na impormasyon ng pulisya.
Habang sinusulat ang balitang ito, nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga pulisya hinggil sa insidente. (Lordeth Bonilla)