MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na batang babae ang nakaligtas sa tangkang pagkidnap ng isang grupo ng mga sindikato na di-umano’y sangkot sa pagkuha ng mga laman-loob, partikular ang kidney ng tao, matapos na manlaban ang biktima habang ito ay itinatakas sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Police Station 6 ng Quezon City Police ang mismong biktima na si Jovy Rose Soquirata, estudyante ng #31 Masbate St., Luzviminda, Batasan Hills sa lungsod upang magreklamo.
Ayon sa biktima, nangyari ang insidente sa pagitan ng alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali ng nakaraang Martes sa may Talanay St., malapit sa St. Anthony’s School sa nasabing lugar.
Naglalakad umano ang biktima papauwi nang biglang huminto sa tapat nito ang isang puting van kung saan lumabas ang isang lalake at pilit na isinasakay ang una sa sasakyan.
Sa takot ng biktima ay nagpipiglas ito sa lalaki at nagawang makatakas nang kagatin niya ang huli sa kamay saka kumaripas ng takbo papalayo sa lugar. Habang ang nasabing sasakyan ay mabilis na lumayo.
Sinasabing habang isinasakay ng lalaki ang bata sa van ay natanaw pa nito ang tatlong mga bata sa van, kung kaya napilitan itong lumaban. Dala ng takot, hindi kaagad nakapagsumbong sa pulisya ang pamilya ng biktima hanggang sa magdesisyon na ring magreklamo kamakalawa ng gabi sa pulisya.
Base sa impormasyon ng mga residente, posible anyang ang naturang mga suspect ay sangkot sa pagbebenta ng vital organ, partikular ang kidney ng isang tao.
Giit ng mga ito, isang bata umanong nawawala sa isang barangay dito ang natagpuang bangkay kamakailan at wala nang laman-loob.
Itinanggi naman ng mga tauhan ng Police Station 6 ng QCPD, ang nasabing isyu sa pagsasabing matagal nang sabi-sabi ang ganitong balita ngunit wala umano sa kanilang lumalapit para ikumpirma ito o magreklamo.
Gayunman, magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay dito. (Ricky Tulipat)